Para sa minsa’y naroroon

by ljsdeleon

Kung para sa pag-ibig bumagtas ka ng limang kilometro
Sa ulan, sa lilim ng bumabayong kidlat,
Sa matinding poot na kumawala sa alapaap
Sa maputik na kalsada ng dayuhang lupain.
Kung para sa pag-ibig sinuong mo ang taksil na tubigan
Nagpalukso-lukso sa mga batong naka-usli
Sinukat ang lawak ng tatlong kabundukan
Na pagitan mula tirahan ng kanyang ama
Hanggang sa kabihasnan ng patay na bayan.
Kung para sa pag-ibig nagtiwala ka sa estrangherong
Lango sa tuba, upang gabayan ka’t
Tulungan sa iyong bagahe kapalit ng ilang barya,
Habang ang iyong sapatos ay suot ng iyong kamay,
Sa hapong malayo sa kasiguruhan
Na ‘di magtatagal ay bibigyang-buhay ang gabi,
‘Di alam kung saan aapuhapin ang hapunan
(Na ang kawalan ay magpapalala sa karamdaman)
– Sino ang titiyak kung ito’y
Katapangan o kapabayaan?
Ang tangkang pag-takas sa ganap ay
Halintulad ng pagbura sa linyang ukit sa gilid ng mata.
Nangiti ka, nagalak sa sandaling pagkalimot
Ng anupamang mayroon sa pag-ibig na sumalat sa iyo
At sa bundok sa ilalim ng iyong talampakan.
Pinaamo ng ulan ang alikabok ng tag-araw
Naaliw sa nginig na dala sa katawan
At ang hapong kalamnan ay
Hinilig sa balikat ng lugod
Ng ‘di buong larawan,
Marapat na magpatuloy ang loob
Tungo sa bangin ng katotohanan – at natuklasan:
Hindi siya naroroon sa tahanan ng kanyang ama.
Itong nagaangilang patak ng ulan
Marahil ay nasambit
Na walang saysay ang paghihintay,
Ngunit hinintay mo pa rin siya buong magdamag.
Ang iyong sabik na pandinig ay nilinlang ka
Inakalang ang bawat bugso ng ulan
Ay ang musikang likha ng kanyang yapak.
Sa dilim ay narinig
Ang pagaspas ng kanyang paldang basa sa tubig-ulan.
Mula sa mga sangang kaniig ang gabi
Nagmula ang huni ng kwagong dakila
Na itinaboy ang oras ng kababalaghan.
Kalakip ng abong minsa’y nagsilbing pangarap,
Iyong napagtantong iwinaksi na ng ulan
Ang puganteng tag-araw.

Salin ng tulang To the one who was there likha ni Anthony Tan (mula sa Poems for Muddas)

Advertisements